Para hindi ka malamigan
Ibibigay ko ito sa iyo, aking kaibigan
Kung gawa sa balat magmumukha kang maangas
Lalo na kung sa Harley ka nakaangkas
Ano ang dyaket?
Ang pagkain dito niluluto
Dahan-dahang magiging kulay ginto
Minsan mababaw minsan malalim
Anumang putahe kayang prituhin
Ano ang mantika?
Masarap gawing merienda, gawing baon
O sa kahit anumang panahon
May palaman, pwedeng ube o munggo
Siguradong makikita sa tindahang Tsino
Ano ang hopya?
Lalagyanan ng pera at barya
Gawa ito sa balat ng baka
Nakatago sa iyong bulsa
O kaya naman sa bag ito nakatira
Ano ang pitaka?
Magpapatunog ngunit walang banda
Ito na ang panahon mong kumanta
Panahon mo nang umawit
Ingat na lang, baka ikaw ay bumirit
Ano ang karaoke?
Sasakyang militar pinahaba ang pwet
Ginawa para ang tao'y mahatid
Hindi na makasisid o makaakyat ng bundok
Pero sa loob punong-puno kahit anumang sulok
Ano ang dyip?
Naririnig ng bayan mga gawain mo
Mag-ingat ka nang ito'y maging iskandalo
Sa dami ng taong nakikinig at nagkukwento
Napunta na sa mga ale galing sa iyong katrabaho
Ano ang chismis?
Sinisigaw sa umaga habang maiinit pa
Samahan ng minatamis sa isang tasa
Nilalakad ito sa kalsada
At ang makakita ng baldeng metal bibili ng isa o dalawa
Ano ang taho?
Prutas na hindi matamis
Ang sipa nito ay matagal umalis
Susunugin nito ang bibig mo
Ang tiyan naman kapag ito'y sinubo
Ano ang sili?
Parang kristal ang ganda nito
Ngunit sa katawan ay napakadelikado
Lilipad ka sa mga alapaap
At kapag umambon ay masisira ang iyong mga pangarap
Ano ang shabu?
Paligsahang nakabatay sa kamao
Pagtumba dapat tumayo
Pag umabot hanggang dulo
Hukom ang magsasabi kung sino ang panalo
Ano ang boksing?
Matapang, makisig, at malakas
Simbolo ng kalalakihan
Simbolo ng Batangas
Maitim at mapait sa inuman
Ano ang barako?
Pamunas na maliit
Pagkapunas saka naman isisipit
Tutuyo at gagamitin muli
Sa mukha na lang palagi
Ano ang bimpo?
Bibilhan ka ng kape't tinapay
Pero sila pa rin ang masusunod sa bahay
Isa ang sinag isa ang pundasyon
Sa ilan, isa o wala ang naroon
Ano ang nanay at tatay?
Pantaboy sa mga pesteng lamok
Hindi na lalapit pagsinghot ng usok
Pero para naman sa tao
Nilalagyan ito ng pabango
Ano ang katol?
Nakatikim at nagustuhan
Kanyang inaasam hindi mapigilan
Reseta, pagkain, inumin, o ilegal
Ang kanyang katawan ay hindi na normal
Ano ang adik?
Parang damo ngunit sa mukha tumutubo
Mula baba hanggang leeg depende sa tao
Pinapaiksi o pinapahaba
Minsan kinakalbo para magmukhang bata
Ano ang balbas?
Kulay pula-kahel na nagiging luntian
Init at kuryente mabilis na dumadaan
Ginagawang sandata para sa labanan
Pero pangatlo lamang pagdating sa paligsahan
Ano ang tanso?
Kung ano ang ginagawa sa pinsan nito
Ay pwede ring gawin dito
Sa Ingles tinapalan ng matamis
Pag sumobra utot mo'y magiging mabangis
Ano ang kamote?
Tatlong sandata sa paglaban
Panalo at talo sa isa't isa
Ang kalaban mo dapat nasa isipan
Para ang magwagi ay ikaw at hindi siya
Ano ang jak-en-poy?
Kinukulang sa kuryente, kinukulang sa lakas
Bente porsyento pababa maghanap ka na
Iwasan ang pagtawag o paglabas
Ng anumang telepono, laruan, o kamera
Ano ang lobat/lowbat?
Hindi mo na alam at dito ka titingin
Dapat patago dapat palihim
Kapag halata ika'y mapapansin
Parusang Kalantiaw sa iyo ipatitikim
Ano ang kodigo?
Nakatitig at walang mapapansin
Tanga o bobo sa kanya sasabihin
Parang ang utak ay walang laman
May iniisip daw pero hindi naman
Ano ang gunggong?
Maaaring inumin, maaaring pagkain
Maaaring matamis, maaaring mapait
Maaaring may gatas, maaaring wala
Maaaring puti, maaaring kayumanggi
Ano ang tsokolate?
Nakaharang sa matamis na regalo
Pagbukas ay tinatapon na ito
Minsan naman ginagawa itong premyo
Kaya naman kinokolekta at tinatago
Ano ang tansan?